Writing

FOUR TRANSLATED POEMS BY MARLON JAMES SALES PHD PUBLISHED AT CORDITE POETRY REVIEW

10557210_660812344012436_7009727462785269392_n

That Moment when an Owl Watches over Love

At that moment when an owl watches over love,
your sleep becomes my heart’s waking up.
The wind cradles the disquiet of your departure
in the quiet of a rustle
and your breathing that I long for.

Why does sleep have to be an awakening
as it watches over you,
embracing the width of your chest,
caressing the roughness of your hand?

Why does sleep have to be an unsleeping
every time you give in
to the peaceful slumber
of my unsheathed bereavement?

And now, my heart’s eyes are wide open
a wakeful bird flutters in joy
and in blinded love,
perched on the branches of our midnight.

Sa Sandaling Minamatyagan ng Pag-ibig ang Kuwago

Ang pagtulog mo
ay paggising ng puso ko.
Nakahele sa hangin
ang pangamba ng paglisan
nitong katahimikang
dala-dala ng indayog
at ng iyong paghinga
na matiyaga kong inaabangan.

Bakit ang antok ay gising na gising
binabantayan ka,
nakayakap sa iyong malapad na dibdib
nakahawak sa iyong magaspang na palad?

Bakit ang antok ay ang ‘di paghimbing
dahil nandito ka
at mapayapang natutulog
katabi ng aking
di maikubli-kubling
pangungulila?

At ngayon,
bukas na bukas ang mga mata
nitong aking puso
isang ‘di nahihimlay na ibong
humuhuni ng kaligayahan
at bulag na pagsinta
sa sanga ng puno
nitong ating
hatinggabi.

Read more: Cordite

**********

FOUND DRAFT

SONY DSC

Note: I was reorganising my hard drive and files when I saw this document, which I cannot remember my reason for writing it. Probably it is for a journal or anthology. It looks like an essay or a creative non-fiction so I am posting it here for posterity measures. I also think it is an unfinished draft.

PAANO INUUNAWA ANG (NAGA)GALIT? O BAKIT ISANG KASALANAN ANG (MA)POOT

UNANG EKSENA:

Kinuha ng asawa ang sphygmomanometer. Ibinalot sa braso ng asawa upang kunan ng blood pressure at malaman kung kailangan na bang painumin ng calcibloc ang singkwenta’y nuwebeng dating driver ng jeep. Mag-iisang taon na ring baldado ang asawa dahil sa stroke, nagpapatherapy at maghapong naka-upo sa rocking chair o nanonood na lang ng telebisyon o di kaya’y pagbubuksan ng radyo hanggang sa makaidlip. Papakainin kapag nag-ingay, itatayo at ililipat sa wheelchair para paliguan o pataehin o palitan ng diaper. Ito ba ang higanti ng langit, sa isip-isip ng asawa? Ito ba ang dahilan ng labis na labis na pagkalalaki ng asawa noong sila’y nagsisimula pa lamang ng pugad at kung ano-anong mga tsismis ang kanyang nasasagap tungkol sa pambababae ng asawa? Ito ba ay isang karma dahil sa may ilang babaeng diumano’y niloko ng kanyang asawa, nabuntis, nagpalaglag, o kanyang hinarap para sabihin ang kanilang kinakalantari ay kasal na at may binubuhay na limang anak at isang asawa na nagtratrabaho bilang isang elementary teacher sa bayan? Minahal nya ang asawa kahit may ilang beses din nya itong pinalayas, pinabalik, pinatawad hanggang sa muling masuklam at malaman sa panganay na hindi pa rin ito natatapos sa pangangalunya. Tinanggap nya ang kamartiran na para bang isang gamot na kailangang lulunin araw-araw, simpait ng panloloko, di makapasok sa kanyang lalamunan o isusukang parang kaning-baboy. Hanggang sa mga sandaling ito, kanyang pinupunasan ng bimpong maligamgam at may alkohol ang asawa, tinitingnan ito sa mata, inaalala ang kakisigan at pagiging matatag, ang dating malapad at matikas na balikat, ang itim na itim na buhok, ang boses na hindi nya malaman kung nagmamahal o parang batang nang-uuyam, tinutukso ang kanyang kahinaan, at ngayon ang pangongo nitong paghingi ng isang baso ng tubig na papawi ng uhaw. May luhang tumulo sa kanyang mga pisngi, tumingin siya sa altar at nanalig sa larawan ng Ina ng Laging saklolo, natanaw ang dalawang anghel na nakabantay sa gilid, naalala ang krus na binuhat ng anak ng poon Maria, na ngayon ay ramdam nya ang bigat. Ito na nga ba ang tinatawag na pagmamahal at poot, ang galit na hindi nauubos ngunit napapalitan ng pagtitimpi hanggang sa ito’y sumabog. Itinuloy niya ang pagkuha ng blood pressure sa asawa. Sinimulang pigain ang pambombang nagdudulot ng hangin at paninikip sa baraso. Tinuloy-tuloy niya ang diin, ang pasakal, ang paninikip kahit lumampas na sa itinakdang bilang at narinig niya ang beep na nagsasabing tama na, sapat na hangin, ang pressure. Sumabog siya. Tahimik ang asawa. Kahit man lang dito ay masabi nyang ako’y nakapaghiganti na sa iyo, aking asawa at kabiyak. Magdusa ka!

 

Anong larawan mayroon ang dagli? Anong gumagabay sa parehong hindi totoo (fictive) at sa may-akda para hablutin ang naratibong nagpapatakbo sa mga karakter at sa mga suot-suot nilang emosyon? Marahil, dominanteng tema ang pag-ibig na hinuhubog ng heteroseksuwal (heteronormalidad) na bigkis ng mag-asawa at ng asawa patungkol nararamdaman sa asawang baldado at inutil at ang kanilang nakaraan. Ngunit higit na inuukilkil o gumagabay sa panulat ang pakiramdam ng paninimdim bunga ng poot o ang pagitan ng pag-ibig at poot. Sa hitsurang tumingin ang asawa sa poon/icon ng Katolisismo o relihiyon, binigyang puwan ng may-akda (o tinutulay ko) ang sagabal o pahintulot ng simbahan at/o paniniwala sa pag-iral ng ganitong pakiramdam. Samantalang sa imahen ng sphygmomanometer at ang pagkuha ng BP o blood pressure, malinaw na may pasikalidad (sa bayolohikal o kognitibong antas) ang paghayag ng galit, kung ito man ay titingnan bilang pagtatanghal o performance. Naroon ang pressure, ang diin, ang sinasabing talaban o banggaan (sa pagitan ng nagbabarang mga ugat-daluyan at ng dugong umaakyat o dumadaloy) o ang pisikang nagdudulot ng mga pagbabago, ng thermodynamics, ng homeostasis at ng ekspresiyon nito sa sining o sa panulat.

Kung ganon ang galit ay hinuhubog n gating pag-unawa at ang pag-unawa dito ay hinuhubog ng ating kondisyon bilang mga nilalang ng nakaraan, kasulukuyan at ng hinaharap. Ang galit bilang isang kasalanang mortal at nabibilang sa mga dapat iwasan ng isang mabuting tao ay isang matinding pagsubok at isang dahilan ng pag-iral (ang pag-iwas dito). Ang galit, poot, o anumang permutasyon ng ganitong damdamin o sitwasyon ay kabaligtaran ng pag-ibig, kapayapaan, ng tubig na nahihimlay sa isang zen garden o ang mga ngiti o pagyuko o pakikipagkamay. Ang galit o poot (at kabaligtaran nitong pag-ibig) kung ganon, ay isang mahabang kasaysayan kasa-kasam sa pag-unlad ng tao bilang mortal, isang pangkasalukuyang conflict na gumagabay sa marami nating emosyon, at sa mga darating pang araw mananatiling isang problema at/o kairalang kailangang tanggapin, kailangang pagdusahan, kung hindi man ipaghanda (bilang isang celebratory event) o paghandaan (bilang ensayo ng mga digmaan o rebolusyon).

ANG UNA SA IKALAWANG EKSENA:

Sa huli kong pagyakap sa iyo may nadama ako sa’yong tagiliran. May dalawa kang sugat at mula rito tumatagas ang malalim mong hinanakit na pinalitan mo ng pag-ibig sa pamamagitan ng dumadaloy na tubig at dugo.

 

Hinanap ko ang iyong baril at binilang ang mga punglo kumpleto pa naman ang mga bala at walang marka ng pulbura sa bibig ng armado o gatilyo kaya’t tiyak akong hindi ka nakipagduwelo sa iyong mga kaaway.

 

Hinanap ko ang iyong abito, bibliya, at rosaryo, mataimtim na nakatiklop ang lahat na parang ang gabing ito na nagdurugo sa kasalanan, kasalukuyan at alaala ng magiging bukas.

 

Tiyak akong hindi ka bumalik sa una mong sakramento  na pagsilbihan ang mga bulag at nawawalan ng saysay at hanapin ang ligtas na daang kaysikip.

 

Kung ganoon, saan nanggaling itong dalawang sugat na patuloy sa pagdaloy hanggang sa panawan ka ng buhay bago ang bukang-liwayway?

 

Ayaw na kitang gisingin dahil napakahimbing ng iyong tulog at siguro’y napapaniginipan mo ngayon ang mundo bilang isang sinapupunan, ang iyong ina, bago ka iluwal sa sangka-munduhang nagpakilala sa iyo ng mga pangamba’t pananalig bago ka ipangako sa pagkakapako sa hindi mo naman kasalanan.

 

Hindi na kita gigisingin kahit alam kong hindi ko na masisilayan ang iyong ngiti at maririnig ang iyong tinig na siyang huli kong panaginip bago ko imulat ang aking mga mata at masilayan ang totoo, ang iyong mukha, ang katotohanan kanina, bago tayo magtalik at magliwanag ang isang kabanal-banalang pagkakanulo.

 

Kung itong dalawang sugat ang siyang magiging sanhi ng iyong kamatayan ay tinatanggap ko anumang kalooob ‘pagkat sa mga sugat na ito na hindi ko alam ang dahilan ay maaalala ko palagi ang lalim ng iyong pagmamahal, hindi maarok kahit sa sa huling patak ng dugo’t tubig, kahit ang luha at awa, kahit ang ngiti at panginginig.

 

Hindi ka na maaaring mawala pa sapagkat ang iyong mga sugat ay hindi na hihilom, hindi na magsasara, hindi na maglalangib at tuloy-tuloy lang sa pagdaloy hangga’t hindi nauubos ang kasalanan ng daigdig at ang galit ay tubig ring dumadaloy bilang poot at kaligtasan.

 

Matanda itong galit at marahil kakambal ng mga relihiyon o mito. Nariyan nang ito ang nagsasanhi rin ng kapayapaan o gumagabay sa Budhismo (sa paraan ng pag-iwas rito) para maatim ang Nirvana o lumalang sa meditasyon. Nariyan nang marami sa pilosopiya ni Confucius at ng Matandang Tsina ang mga naratibo, apokripos, sawikain, tula at larawan ng Kalikasan bilang tunay na eksperto sa pagpapanatili ng balanse at organisadon kaluklokan ng mga bagay-bagay bilang antithesis ng makasalanang kaguluhan ng pagkapoot, disorder, o chaos. Nariyang ang mga mito ng mga Indian, ng mga Griyego, ng mga nasa nilalamig na rehiyon ng Scandinavia o kahit ng sinumang katutubo ay nagpapakita ng pagkalalang o pagkakaroon ng order sa mundo bilang resulta ng mga digmaan (sa pagitan ni Loki at Thor, sa sinasabing pagpapanatili ng balanse sa kapangyarihan ni Vishnu laban sa mapanirang lalang ni Shiva, sa pagitan ng epikong bayani at ng mga halimaw o nilalang ng ilalim ng daigdig sa naratibo ng mga katutubong Manobo). Para sa mga Muslim, ang isa sa kung marapat at maaaring maranasang krusada sa loob ng kanilang relihiyon ay ang pilgrimage ng Hajj o ang pagpunta sa Mecca upang pagdaanan ang serye ng mga rituwal at isa rito ang paghagis ng bato sa demonyo bilang isang uri ng matandang galit na ipinaabot ng kanilang relihiyon. Ngunit higit sigurong pinakadramatiko at pinakaemosyonal (makulay, kung ganon) ang Katolisismo at sa kung paano nito ipinanta sa ating puso’t kaluluwa (kung saan inaaruga ang budhi at konsyensya) ang galit at poot bilang matandang duwelo ng masama laban sa mabuti, ng naratibo ng ating pagkakaligtas, ng kung paano makakarating sa langit at mararamdaman ang kaluwalhatian.

Mula sa serye ng Matandang Tipan hanggang sa pinakahuling libro ng Apokalipsis (na sa ngayon nais tawagin bilang Rebelasyon) malinaw ang paghubog ng galit sa pananaw at istorya ng Kristiyanismo. Hindi iilang beses kundi maraming pagkakataong nagalit ang Dios dahil sa kapalaluan ng tao kaya’t binaha niya sa loob ng apatnapung araw ang buong daigdig, at pinahintulutan nya ang maraming wika nang tangkain abutin ng Tore ng Babel ang langit, at pinaulanan niya ng apoy ang syudad ng Sodom at Gomorah at ginawang asin ang sinumang tititig sa nasusunog na kahibangan, at sinalot nya ng sampung beses ang Ehipto hanggang sa sumuko ang Pharaoh at pakawalan ang mga anak ng Israel, at nang palayasin niya ang mga kampon ng pinakamakinang niyang anghel na si Lucifer nang sila’y magsimulang maglatag ng kanilang bersiyon ng kolektibong kapangyarihan.

Samantala, ang anak ng Diyos na si Jesukristo naman siguro ang maaaring antithesis ng ganitong galit, o siyang panimbang upang maatim ang dakila’t malinis na puso. Bagama’t nagalit rin siya nang makitang binanalahura ng noo’y maituturing na mga streetvendor, publiko at palalo ang templo ng Ama, pigil na pigil at buong-tagumpay niyang pinatimpian ang pagsutil ng demonyong tatlong beses na tumukso sa kanya, ang pagdumog at pagkuyog ng taumbayan sa kanyang pagdating, ang gutom ng mamamayan at sa halip naghimala siya upang paramihin ang mga isda at tinapay, ang pagkapurol ng mga apostoles nyang matyaga niyang tinuruan ng salita Niya at ng kanyang Ama, ang hindi pagsabi ng Hindi! nang malaman niya sa Gethsemane mula sa balita ng anghel na siya’y magpapakasakit sa krus at pauna rito ang pagpapawis nya ng dugo dahil siguro sa sobrang ligalig at pagpapakitang kahit anu ay pagdadaanan nya upang maging mabuting Anak ng Dios at upang gayahin siya nating mga anak ng simbahan, ng Espiritu Santo, ng Dios Ama, at ni Mama Mary.

At syempre, hindi mawawala ang mga imahen ng nagbabagang apoy ng nasusunog na mundo, ng ahas na may pitong ulo, ng mga pakakak na senyal sa pagkaubos ng pag-asa, ng apat na mandirigmang nakasakay sa apat na kabayo ng pagtatapos, sa maluwalhating susunod na kabanata matapos ang pagtatapos na lahat mababasa sa Apokalipsis bilang huli o muling galit ng Dios sa mga hindi magbabago o mananampalataya. Lahat ng ito ay instrumento, weapon o taktika ng Kristianismo bilang takot, bilang larawan ng poot o galit, sa sinumang mananatiling mababa, imoral, makasalana at sa mortal nating pagkatao.

 

Ito rin marahil ang gumagabay sa poetika ng dalawang sugat, ang sugat sa tagiliran ni Jesukristo na dinadaluyan ng tubig at dugo. Ang tubig ay sagisag ng payapang pagdaloy, ng kaligtasan, ng kabanal-babanalang likidong tinatawag din nating Holy Water. Ang dugo ay ang sakripisyo, ang kaligtasan rin mula sa pagpapakahirap ni Jesukristo, ang kamartiran ng Anak ng Dios na naging anak ng tao at bilang tanda ng kanyang mortalidad. Gayumpaman, ito rin ang dugo na galing sa poot o talim ng sibat na tumusok sa kanyang tagiliran, ibinaon ng senturyong si Longinus na sinasabing nang matalsika ng dugo ay nakakita (ayon sa matandang kuwento at dahilan ng pagtatanghal ng Moriones sa Marinduque), ng mga kamay na humagupit ng latigong may mga bubog sa kanyang likuran, ng koronang tinik na nangutya sa Hari ng mga Judio. Pero nanatiling kalmado at nanginig si Jesus, nanatiling mapula ang kanyang mga mata, nakatingin sa langit at humihingi ng awa sa Ama at nagbibigay sa ating makasalanan.

Ganito rin kaya ang pakiramdam ng mga namamanata, nagmamartsa, nag-aalsa, at nagtatago sa mga kabundukan, silang may mga armalite at pulang bandilang sagisag ng poot ng bayan, poot ng naghihikahos na sambayanan, ng maalab na maalab na uri ng paghahangad ng kalayaan? Ganito rin ba ang estetikang gumabay para sa simbahan ng nagagalit na Kristo sa may parokya ng Victorias sa Negros, sa lupain ng mga sakadang saklot ng kahirapan, gutom, at kamatayan sa mga tubuhan at ng kanilang karit na paggapas? Ano ngayon ang galit bilang isang uri ng drama, ng puwersang nagbibigay motibasyon sa ating mga pananaw higit pa sa pagiging Kristiayo, kundi maging sa kung paano manidhi, makipagkapwa, gumawa ng kabutihan o kasamaan, atimin ang kapantayan o hustisya? Tingnan ang larawan sa ibabang prosang tula at pagnilay-nilayan ang hubog ng galit hindi na lamang bilang isang pakiramdam ng isang napopoot na indibidwal, kundi sa kung paano nito hinuhubog ang ating pagkakataong sumuong at pag-aralan ang ating sosyedad at mortalidad at sa gabay ng kanina’y dalawang sugat: ng pag-ibig at poot.

ANG IKALAWA SA IKALAWANG EKSENA:

Sa mga kapatid kong nanalig at nanampalataya,

 

            Muli, ako’y aakda ng isang oliran.

Tinawag ng tinatawag na mesiya ang mga manggagawa sa ubasan. Panahon na para anihin ang matataba at mapipintog at mapupulang ubas. Hindi na raw dapat antayin ang tagubilin ng may-ari ng napakalawak na ubasan. Panahon na raw para mapunta sa nagtanim ang inaning mga ubas at hindi sa gahamang kamay at bibig ng mga nakatira sa puting bahay sa burol. At kuminang ang mga talas ng pantabas. 

            “Ngunit tinatawag na mesiya, hindi ba ito paglabag sa batas ng may-ari ng ubasan na siyang nagbigay sa amin ng lupa at trabaho rito sa kanyang napakalawak na lupain?” tanong ng isang matandang manggagawa. 

            “Tama po, tinatawag na mesiya, batay sa inyong turo, hindi dapat daanin sa marahas na paraan na mauuwi sa pagkitil sa buhay ng tao ang paghahanap sa kasagutan sa mga sigalot at suliranin,” sulsol ng binatang manggagawa. 

            “Tama ang inyong mga naiisip, subalit dadaanin kong muli sa talinghaga ang aking sagot sa inyong mga tanong. Nawa’y sa palaisipan na ito magbunga ng liwanag ang mga pagdidilim sa inyong muni. Hindi ba’t tulad nitong mga ubas na ating inaalagaan, na halos hindi natin ipinadadampi sa dila o ngipin ng anumang kulisap o hayop, na halos isinasabit na natin sa ating mga balikat upang lumaking malusog at mapintog at mapula, ay atin ring tatagpasin at aanihin at ihihiwalay sa kanilang mga tangkay sa panahon ng anihan. Kung hindi ito magaganap, mabubulok ang mga ubas, tulad ng pagkabulok sa sinapupunan ng inyong mga anak na walang makain, tulad ng ng inyong kinabukasan sa lupaing ito na pinapataba ng inyong mga kamay at bisig, at ng mga uod mula sa inyong bangkay at mga kanunu-nuon. Kaya, humayo kayo, mga manggagawa sa ubasang ito, huwag nang hayaang ang paglaki at paglawak at pagtaas ng puting bahay sa burol. Simula ang pag-ani natin sa mga ubas sa pagkakamit natin at ninyo ng kung ano ang nararapat. Tayo ay magsipaghayo sa kapayapaan at poot at pagmamahal. Magsimula kayo sa pag-ani.” At kuminang ang mga talas ng pantabas. 

            At nagsimula ang pag-ani ng ubas, sabay-sabay ang mga kamay sa pagpitas ng mapipintog at mapupulang mga ubas. Nagmantsa sa isip ng mga manggagawa ang sinabi ng mesiya. Matapos ang anihan, hindi na muling nakita ng mga manggagawa ang mesiya na sinasabing patuloy na nangangaral ng mga palaisipan sa mga liblib na lugar at kabundukan. Doon, higit siyang nakilala hindi bilang pantas na tagapagligtas kundi isang pangkaraniwang tupa sa gitna ng madawag at mapanganib na kagubatan.             

 

Sumainyo ang banal na pagpapala, ang pananalig at pakikibaka sa pangalan Niya. Siya nawa.

 

                                                                                                            Jesus Gatbyaia

UNA SA IKATLONG EKSENA:

Bonita: Kasalukuyang nakakulong dahil sa pagpatay sa Asawang si Claudio (Pasintabi sa gumawa ng Bonnie and Clyde)

 

Hindi ko sinasadya

Pero nangyari iyon

Na para bang ang lahat

Ay isang sinanay na tagpo

Sa isang teatro.

 

Hindi ko sinasadya

Pero para bang ang araw na iyon

Ay isang palabas

Isang napakagandang palabas

At lahat ay pumalakpak

Sa aking ginawa.

 

Hindi ko sinasadya

Pero iyon ang nangyari

Hindi ko na maaaring ulitin

Dahil naganap na ang lahat

Isang pagtatanghal

Na hindi ko inensayo

Pero naganap.

 

Hindi ko sinasadya

Patawarin mo ako

Akala ko walang bala ang baril

At nang kalabitin ko ang gatilyo

Diretso sa puso mo

Nahagip ng bakal

 

Ang tibok

 

At ako’y pinalakpakan ng madla

Akala ko hindi totoo

Akala ko pelikula lang

Akala ko hindi ka mamamatay

Akala ko lamang ang lahat

Akala ko kasi totoo ang mga balitang

Nakikipagkita ka pa rin raw

Sa isang kalaguyo.

 

Pero siguro nga, matalik kayong magkaibigan

Wala na akong masisi, hindi kita masisisi

Kung malapit ka pa rin kay Robert

Pasensya na, sa totoo lang hindi ko talaga

Sinasadya ang krimen.

Isa pa sa maituturing na mayor na halaga ng galit ay kung paano nito sinusukat ang pag-ibig bilang kabaligtaran o kontradiksyon. Sa tulang naisulat sa itaas, bilang pagtatanghal ng isang monologo o krimen, mahalaga ang tinig ng babaeng may hawak ng sanhi ng kamatayan. Maaaring sabihing may pagka antiwoman ang tula, may pagtingin sa istiryutipo na ang babae ang madalas ilohikal sa paghawak ng ganitong emosyon na inanak ng galit o naiaanak dahil sa galit: selos, panimdim, suklam, hanggang sa poot at pagpaslang. Inaamin ito ng may-akda sa ganitong ehersisyo ng poetika subalit sa pag-amin ko naghuhugas ako ng budhi at pinapintasan ko ang galit sa tradisyon rin ng Eros at Thanatos sa dulang Griyego hanggang sa panghawakan ni Sigmund Freud bilang mga umiinog na magkakambal na dahilan ng primordial at ng matandang kamalayang ng tao: ang bumuhay (magnasa, mag-anak, sumiping) at pumatay (o tumalilis, ipagtanggol ang sarili, manatili/mapanatili ang lahi).

At ganito pa rin marahil, ginagabayan ang sinematiko, ang teatrikal, ang histerya ng masaker (at pagkabuhay mula sa ganitong karumaldumal) nila Maricel Soriano, Snooky Serna, Kris Aquino o Lorna Tolentino hanggang sa makabagong abattoir ng Kinatay ni Brillante Mendoza. Nananatili ang aksyon at bakbakan bagama’t madalas nakapalaman na ito sa fantasya at sa spekulasyon ng Avatar, ng Lord of the Rings, ng horror at transnational na suri sa mga art film nila Alejandro Gozales Innaritu at Guillermo del Toro o Stanley Kubrick, at syempre silang kilala sa paglikha ng mga bayolenteng imahe ng gyera o ng kasamaan ng tao: Lars Von Trier, Roman Polanski, at kahit si Peter Jackson. At sinong makakalimot sa bakbakan at aksyong dala at dinala nina Fernando Poe Jr., Max Alvardo, at Paquito Diaz (lahat ay sumalangit na) sa serye ng pelikulang Panday(1978, 1982, 1984), , Ang Lalaki, Ang Alamat, at Ang Baril (1978), Batas ng .45 (1991) at marami pa para mabanggit at ang maaksyon/machong dekada ng 80 hanggang sa paglikha ng Regal at Seiko ng tira-tira/pito-pitong naratibo ng hubaran at/o action film na sa kalauna’y naghingalo at nalaos.[i]  May golden era ba ang action film sa Pilipinas? Nagbigay ba ito nang higit na pagsusuri sa kung paano natin inuuwa ang galit bilang himagsik, bilang kasalanan, bilang sagot ng mga anak dalita, bilang metapora ng pagsaasa-agila o leon, ng pagkawala sa kolonyalismo, ng lamat at alamat ng trauma ng digmaan o masaker o ng panggahasa sa madla, sa inang bayan, ng rahas at ngipin sa ngipin bilang higanti o bilang tugon sa pagmamahal?

Marami pang pag-aakda at posibilidad ng pagkalkal at pag-ukilkil sa pagpapatuloy at pagpapakadalubhasa sa konsepto ng emosyon at kultura – mula sa kasaysayan ng sining at pelikulang black and white na nalimot na o nakaligtaan na, hanggang sa kasalukuyang impluwensiya ng mga ganitong tagpo o arketipo sa kasalakuyang paghubog at produksyon ng telenobela’t fantastiko. Ang galit ay mananatiling isang imortal na kalaban ng pag-ibig, o isang patunay na may pag-ibig at ang kapayapaan ay walang wawa o silbi kapag walang paraan ng himagsik, sa pelikula man yan o sa isang episode ng reality show. At magpapatuloy ito, hindi na lamang bilang isang kasalanan, isang paraan ng pagpipigil o katalop ng pagnanasa o sidhi.

Ngayong may ekstensyon na ang ating pag-iral labas pa sa sining o produksyon ng estetika o pilosopiya dahil sa kakayahan ng teknolohiya na sakupin an gating pinakamalalalim hanggang sa pinakamabababaw na representasyon (at persepsyon na rin), ang galit ay kaugnay ng social networking, bilang tanda ng pakikipagkapwa, o ng interkasyon. May twitter war, my friending at unfriending sa facebook, may koneksyong nabubuo o napipigtal sa pamamagitan ng mga imahen o pagtatanghal na nabubulgar (tulad ng tila sayaw ni Salome na hinusgahan ng madla sa sayaw ni Janjan sa Wiling-Willie na pinalaganan ng youtube). Tulad rin ng ikonograpiya ng dilaw na komatsu trak na ipinanghukay sa mga bangkay sa namasaker na mga mamahayag sa Maguindanao. Tulad ng kung paano sinasaksak ang isang sikat at agad itong nababalita, o ang gyera sa Libya (o sa Gitnang Silangan at Hilagang Africa) at kung paano nawiwindang buong angkan ng mga OFW at mga kadugong naghihintay sa suunod na kabanata. Tulad ng impeachment. Tulad ng daluyong na tila isang galit na dagat na hayok at matapang na sinusugod ang madaraan, lagpas sa dalampasigan, lagpas pa sa naabot o natatanaw ng ating pang-unawa. Kabit-kabit itong dumadagsa, dumadaloy, sinusuong maging ang ating mga panaginip, nanunuot sa mga mensaheng tinatanggap, pinapadala, at nanahan na para ring takot, kapatid ng takot o pagkabalisa sa kasalukuyang pag-iral.

Ang galit, kung ganon, ay hindi na lamang ang poot na isang kasalanang mortal para sa edad medya ng simbahan Katolika. Isa na itong marka sa kasalukuyang pag-iral, katambal ang karapatang pantao, ang rebolusyon dala ng teknolohiya at ideolohiyang makakaliwa man o gumitna’t kumakambyo rin sa kanan. Ang galit ay tinatanggap rin bilang tanda ng matrapik na daan papasok ng opisina, ng isang uri ng butunghininga dahil baluktot pa rin ang sistema, bilang isang uri ng hinaing o complain dahil sinisingil ka ng sobra-sobra ng iyong service provider o dahil sa mga maliliit na pagkakamali o mga dambuhalang kapalpakan, ngayon at magpakailanman. Ang galit at imbestigasyon nito ay hindi natatapos sa paghupa na ng tension o sa pagsisimula ng ceasefire o dahil tinatanggap na ng isa ang pagkatalo. Ang pagsuko ay hindi tanda ng pagkakasukol. Maaaring ito ang pahinga ng galit dahil sa susunod nitong daluyong, mas matindi ang dala nitong himagsik at ang poot ay hindi na lamang isang lagablab kundi isang nagigibang bituwin, isang pyrotechnic sa kalawakan ng apokalipsis, isang sanlaksang anghel na susugurin ang kaharian ng may Ama, ng Anak, at ng espiritu santong nahintatakutan at nagtago bigla sa puting-puting saya ni Inang Maria.

Ngunit bago iyan, panoorin natin ang eksena sa pinakabago at sumisikat na laro sa kompyuter: ang ANGRY BIRDS ( http://www.youtube.com/watch?v=1Bk_nqUQ0fc ).

IKALAWA SA IKATLONG EKSENA:

Makikita sa video clip ang naratibo sa likod ng larong binuo ng Rovio. Payapang nabubuhay ang mga ibon at matamang inaabangan ang paglabas ng mga inakay mula sa kanilang mga itlog. Makikitang may violent streak ang mga ibon at overprotective sa pagbabantay sa mga supling na nakahimlay sa loob ng eggshell. May lamok o insektong dadapo, aakalain nilang isang intruder. Hindi lang nila pipilayan ang insekto, bagkus katakot-takot na bugbog ang matatanggap ng kawawa. Sa hindi nilan napapansing anomalya, isa palang distraction ang kanilang pagpatay sa insekto dahil palihim na ipinuslit ng mga berdeng baboy ang kanilang itlog. Paoink-oink pa ang mga baboy sa kasutilan, tumatakbong nakangiti sa ginawang krimen. Sinematikong lalabas ang galit, magiging poot, at malalaman ng gamer na mga ibon ay hindi ang cute o nahahawakang parrot o myna kundi mga radioactive at mabagsik na uri ng aves. Magsisimula na ang pleasure ng gamers sa pagpatay sa mga baboy sa pamamagitan ng pagpapatilapon ng mga ibon gamit ang isang tirador upang magiba ang marurupok na fortress na binuo ng mga berdeng baboy. Nakakatuwa. Pero sa totoo lang, galit ang konseptong nagpapatakbo sa lohika ng laro at ng Angry Birds.

 

[i] Para sa detalyado at mas akademikong diskusyon tungkol sa pelikulang (ma)aksyon maaaring tingnan ang mga sumusunod na sanaysay/libro o sanggunian:  Unang pagtingin sa pelikulang bakbakan / tatlong sanaysay nina Zeus Salazar, Prospero Covar, Agustin Sotto: [Manila] : Museo ng Kalinangang Pilipino, Sentro ng Pangkultura ng Pilipinas, c1989; Richard Gomez at ang mito ng pagkalalaki, Sharon Cuneta at ang perpetwal na birhen at iba pang sanaysay ukol sa bida sa pelikula bilang kultural na texto ni Rolando B. Tolentino: Pasig City : Anvil Pub., c200010557210_660812344012436_7009727462785269392_n

Advertisements

Published by

rrmaiquez

Quiet Bipolar!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s